Home HOME BANNER STORY DA: Pagbabalik ng regulatory powers ng NFA makatutulong sa pagpapanatili ng P20/kg...

DA: Pagbabalik ng regulatory powers ng NFA makatutulong sa pagpapanatili ng P20/kg bigas

310
0

MANILA, Philippines — Sinabi ng Department of Agriculture (DA) na makatutulong ang muling pagbibigay ng regulatory at market intervention powers sa National Food Authority (NFA) upang mapanatili ang programang P20 kada kilo na bigas ng administrasyong Marcos.

Ayon kay DA spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa sa isang news forum nitong Sabado, Agosto 2, nasa mahigit 450,000 metriko tonelada ng bigas ang kasalukuyang nasa imbentaryo ng NFA, katumbas ng siyam na milyong sako o 16% ng kabuuang national inventory.

Mas mataas ito kumpara sa karaniwang 5% na imbentaryo noong mga nakaraang taon.

Naibenta na rin umano ng NFA ang 455,000 sako ng bigas upang makabili ng mas maraming palay mula sa lokal na mga magsasaka.

Dahil dito, muling nanawagan si De Mesa para sa agarang pagpasa ng House Bill 1 o ang Rice Industry and Consumer Empowerment (RICE) Act, na layong bigyan muli ng regulatory powers ang NFA para mapababa ang presyo ng bigas at maprotektahan ang kabuhayan ng mga magsasaka.

Kung maisasabatas, hindi na kailangang magdeklara ng food security emergency bago makakilos ang NFA, at mas mapapabilis din ang paglalabas ng pondo para sa pagbili ng bigas mula sa mga lokal na magsasaka.

Sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address noong Hulyo 28, sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na pinalawak na sa buong bansa ang P20 kada kilo ng bigas, at tinupad na umano ang kanyang pangakong pababain ang presyo ng pangunahing pagkain.

Kinabukasan, inihayag ng DA na isasama na rin ang mga pamilyang kabilang sa middle class sa benepisaryo ng P20 kada kilo na bigas pagsapit ng 2026. Sa kasalukuyan, nakatuon pa ito sa mga sektor na itinuturing na mahihirap at bulnerable.

Unang inilunsad sa Visayas noong Abril, umabot na sa 162 lugar sa buong bansa ang nagbebenta ng subsidized na bigas sa mga KADIWA ng Pangulo outlets. Ang suplay ng bigas ay galing sa NFA at direktang binibili sa mga lokal na magsasaka.

Ayon sa DA, bukod sa pagbibigay ng abot-kayang bigas, nakatutulong din ang programa upang lumuwag ang mga bodega ng NFA. Sa mas maraming espasyo sa mga bodega, mas maraming palay ang kayang bilhin sa presyong mas mataas kumpara sa alok ng mga pribadong negosyante.

Samantala, iniulat din ni De Mesa na maayos ang naging ani ng palay at mais sa unang semester ng taon.

Noong 2023, umabot sa 9.2 milyong metric tons ang pinakamataas na naitalang ani. Bumaba ito sa 2024 dahil sa epekto ng El Niño at La Niña, ngunit inaasahang tataas ngayong taon sa mas maganda at balanseng kondisyon ng panahon.

Inaasahan ng gobyerno na aabot sa 11 milyong metric tons ang minimum na produksyon sa 2025, at target nitong umani ng 20.4 milyong metric tons.

Kung magtutuloy-tuloy ang magandang ani, sinabi ng DA na posible ring bumaba ang importasyon ng bigas at maging sapat na muli ang bansa sa sarili nitong produksyon. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here