MANILA, Philippines – Tiniyak ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan na masusing bubusisiin ng Senado ang unprogrammed appropriations sa panukalang 2027 national budget upang matiyak na malinaw, responsable at naaayon sa batas ang paggamit ng pondo ng bayan.
Ayon kay Pangilinan, kailangang tiyakin na ang pera ng taxpayers ay mapupunta sa mahahalagang programa gaya ng food security, agrikultura, edukasyon, kalusugan at disaster preparedness.
Binigyang-diin din niya ang papel ng civil society groups gaya ng People’s Budget Coalition sa pagsusuri ng panukalang P7.2-trilyong 2027 national budget.
“Mahalaga ang people’s participation,” ani Pangilinan, sabay giit na hindi dapat maging “opaque” o hindi malinaw ang mga desisyon sa budget process.
Bilang chair ng Subcommittee G ng Senate Committee on Finance, sinabi niyang partikular niyang tututukan ang mga kondisyon sa pagpapalabas at paggagamitan ng unprogrammed funds.
Aniya, magiging mahalagang batayan sa kanilang pagsusuri ang mga desisyon ng Supreme Court kaugnay ng ilang unprogrammed appropriations sa mga nakaraang budget.
Sisilipin din umano niya ang mga lump-sum allocations na nakapaloob sa panukalang 2027 budget at hihingin ang kinakailangang dokumentasyon at detalye.
“In fairness naman, we give them the benefit of the doubt, baka hinahabol pa ‘yung documentation pero dapat sana ideally before it was approved, documented na,” ani Pangilinan.
Iginiit din niya na dapat muling i-livestream ang proceedings ng bicameral conference committee kung saan pinag-iisa ang bersyon ng Senado at Kamara sa national budget.
Ani Pangilinan, maging ang mga napagkasunduan sa closed-door meetings ay dapat isapubliko upang mapanatili ang transparency at accountability sa buong budget process.