ILOCOS NORTE, Philippines – Tatlong indibidwal ang inaresto matapos makumpiskahan ng iba’t ibang baril, bala, rifle grenade at hinihinalang ilegal na droga sa bisa ng search warrant sa Barangay Madupayas, Badoc, nitong Huwebes, Nobyembre 19.
Isinagawa ang operasyon ng Provincial Intelligence Unit, Provincial Investigation and Detective Management Unit, Badoc Municipal Police Station, 2nd Provincial Mobile Force Company at iba pang katuwang na law enforcement agencies.
Inilabas ang search warrant kaugnay ng umano’y paglabag sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Kabilang sa mga nakumpiska ang US Carbine M2 rifle, Armscor rifle, revolver, rifle grenade, mga magazine at iba’t ibang kalibre ng bala.
Nasamsam din ang dalawang sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na 5.05 gramo, digital weighing scale, dalawang glass tooter at isang cellphone.
Dinala sa kustodiya ng pulisya ang mga naaresto at mga nakumpiskang ebidensiya para sa dokumentasyon at karagdagang imbestigasyon. RNT/MDS