MANILA, Philippines – Muling pinagtibay ng Pilipinas ang pangako nitong pangalagaan ang karapatan ng mga manggagawa at palakasin ang pandaigdigang kooperasyon sa paggawa sa 358th Session ng International Labour Organization (ILO) Governing Body na ginanap mula Nobyembre 9 hanggang 19, 2026.
Pinangunahan ni DOLE Undersecretary Carmela I. Torres ang delegasyon ng Pilipinas sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at pamumuno ni DOLE Secretary Francis N. Tolentino.
Kabilang sa mga isyung isinulong ng bansa ang proteksyon ng mga manggagawa laban sa matinding lagay ng panahon, pantay na oportunidad para sa kababaihan at kalalakihan, at mas maayos na kondisyon sa trabaho at social protection para sa mga gig at platform worker, kabilang ang delivery rider at app-based driver.
Binigyang-diin din ng Pilipinas ang kaligtasan at kalusugan sa lugar ng trabaho, gayundin ang karapatang magwelga alinsunod sa ILO Convention No. 87.
Nanawagan din ang bansa ng mas malawak na technical assistance para sa mga umuunlad na bansa at nagpahayag ng suporta sa mas demokratiko at inklusibong ILO.
Napanatili rin ng Pilipinas ang representasyon sa ILO Committee on Freedom of Association sa pamamagitan ni DOLE Assistant Secretary Loreto Acharon.
Bukod dito, nakakuha ang bansa ng endorsement mula sa ASPAG at Government Group para sa pagkapangulo sa 115th International Labour Conference na gaganapin sa Hunyo 2027.
Sinalubong din ng Pilipinas ang muling pagkakahalal kay ILO Director-General Gilbert F. Houngbo para sa ikalawang termino. Jocelyn Tabangcura-Domenden