MANILA, Philippines – Patuloy na isinusulong ni US Ambassador to the Philippines Lee Lipton ang Luzon Economic Corridor (LEC), na kinabibilangan ng Pax Silica, kahit walang pormal na kasunduang nilagdaan sa pagbisita ni US President Donald Trump sa Maynila.
Sa Pilipinas Conference sa Makati, sinabi ni Lipton na nananatiling prayoridad ng United States, Japan at Pilipinas ang LEC at inaasahang may iba pang bansang sasali sa proyekto.
Ayon sa ambassador, makikinabang dito ang Pilipinas at ang pandaigdigang supply chain dahil magbubukas ito ng mga oportunidad para sa pamumuhunan at pagpapalago ng mga lokal na industriya.
“Under President Trump’s leadership, we are committed to helping the Luzon Economic Corridor. LEC to create opportunities, opportunities for businesses to invest, opportunities for Philippine industries to grow,” ani Lipton.
Hindi man direktang binanggit ang Pax Silica, sinabi ni Lipton na nananatili siyang naniniwala sa plano para sa isang innovation hub sa New Clark City, na nakatuon din sa pagpapalakas ng industriya ng semiconductors at electronics.
“The Philippines already has a very very strong foundation, amazing amazing work. Building on that foundation is the vision behind the innovation hub. Or what i’d like to call the city of the future in New Clark City,” aniya.
Dagdag niya, pag-uusapan at pagpapasyahan ang mga susunod na hakbang sa ganitong proyekto sa pakikipag-ugnayan sa pamahalaan ng Pilipinas sa angkop na panahon.
Sa kabila ng hindi pa paglagda sa kasunduan tungkol sa Pax Silica, inilarawan ni Lipton bilang matagumpay ang pagpupulong nina Trump at Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Their meeting was an overwhelming success. I’m proud to announce our alliance today is at a new high,” pahayag niya. RNT/MDS