Home NATIONWIDE BFP, DOTr pagtitibayin fire safety, emergency response sa mga railway facility

BFP, DOTr pagtitibayin fire safety, emergency response sa mga railway facility

1
0
(Screengrab from Railfans of the Philippines FB Page)

MANILA, Philippines – Pinag-uusapan ng Bureau of Fire Protection (BFP) at Department of Transportation (DOTr) ang pagpapalakas ng fire prevention at emergency response sa lumalawak na railway network ng bansa upang maiwasan ang sunog at maprotektahan ang mga pasahero at manggagawa.

Nagpulong sina BFP officer-in-charge Chief Supt. Wilberto Rico Neil Kwan Tiu at DOTr Undersecretary for Railways Timothy John R. Batan upang talakayin ang mga hakbang sa pagtugon sa posibleng sunog at iba pang emergency sa mga pasilidad ng tren.

Kabilang sa mga tinalakay ang magkasanib na emergency response planning, specialized rescue training, fire safety inspections at pagtatatag ng koordinadong protocol para sa mga insidente sa railway facilities.

Saklaw din ng panukalang kooperasyon ang mga istasyon, tunnel, maintenance facility at iba pang mahahalagang imprastraktura na nangangailangan ng espesyal na pamamaraan sa pagresponde at pagsagip, lalo na sa mga sarado at mataong lugar.

Samantala, naghahanda rin ang BFP sa posibleng pagdami ng sunog sa damuhan at kagubatan dahil sa inaasahang El Niño.

Bumuo ang ahensya ng apat na yugtong operational framework na nakatuon sa paghahanda, pag-iwas at pagpapababa ng panganib, pagtugon at rehabilitasyon.

Inatasan ang mga regional office na suriin ang mga kagamitang panlaban sa sunog, tukuyin ang mga alternatibong pagkukunan ng tubig at bumuo ng Quick Reaction Teams para sa wildland fires.

Inatasan din ang mga fire station na ipatupad ang pagbabawal sa open burning at pakilusin ang Community Fire Auxiliary Groups upang makatulong sa pagpigil at pag-apula ng sunog sa mga damuhan at kagubatan.

Ayon kay Kwan Tiu, kailangan ang pagtutulungan ng mga komunidad, mamamayan at lokal na pamahalaan upang maprotektahan ang publiko sa inaasahang epekto ng El Niño.

Pinuri naman ni Department of the Interior and Local Government Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla ang BFP sa paghahanda ng komprehensibong contingency plan kahit walang partikular na utos mula sa kagawaran.

Hinimok din ng BFP ang publiko na ireport ang anumang emergency sa Unified Emergency Hotline 911 o sa pinakamalapit na fire station. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here