MANILA, Philippines – Hinimok ng Philippine National Police (PNP) ang mga suspek, kabilang ang ilang pulis, na umano’y sangkot sa robbery at holdap sa Caloocan City na sumuko at ilahad ang kanilang panig.
Ginawa ni PNP spokesperson Brig. Gen. Allen Rae Co ang panawagan matapos magtungo sa National Police Commission (Napolcom) ang biktima dahil sa pangamba sa kanyang kaligtasan.
“If you believe na wala talaga kayong ginawa or hindi kayo kasabwat dito, ay magpakita na po kayo, give your statement, ibigay nyo po yung side nyo. This is your chance to air your side or to be heard,” ani Co sa isang briefing sa Camp Crame.
Naganap ang insidente noong Nobyembre 16 sa Caloocan City, kung saan nabiktima ang isang tauhan ng Philippine Drug Enforcement Group at isang negosyante.
Kinilala ng mga awtoridad ang siyam na suspek: apat na aktibong pulis, dalawang suspendido o dismissed na pulis, isang sibilyan at dalawa pang hindi pa nakikilalang indibidwal.
Sa siyam na suspek, isa pa lamang ang naaresto, isang police major na itinanggi rin ang pagkakasangkot sa krimen nang humarap sa Napolcom.
Nauna nang iniutos ni PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang summary dismissal proceedings laban sa mga pulis na sangkot umano sa insidente.
Sinabi naman ni Co na patuloy nilang minomonitor ang mga kilos at galaw ng mga dismissed na pulis, lalo na ang mga tinanggal sa serbisyo dahil sa pagkakasangkot sa krimen. RNT/MDS