MANILA, Philippines – Hiniling ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) na huwag tanggapin ang naunang naitalang testimonya ng dating pulis-Davao na itinuturing ng prosekusyon na mahalagang saksi sa kasong crimes against humanity laban sa dating pangulo.
Sa public redacted filing na inilabas noong Nobyembre 18, sinabi ni Duterte’s counsel Peter Haynes na may malubhang kakulangan sa ebidensiya ng saksi na tinukoy bilang P-0002.
Kinuwestiyon ni Haynes ang paggamit ng prosekusyon sa naunang testimonya nito, dahil kailangan umanong mapatunayan na hindi na maaaring humarap at magbigay ng testimonya nang personal ang saksi sa korte.
Ayon sa abogado, kung walang ganitong patunay, dapat ipatawag si P-0002 upang personal na magbigay ng testimonya sa ilalim ng panunumpa.
Sinabi ng prosekusyon na hindi na available ang saksi para humarap sa paglilitis. Gayunman, hindi isiniwalat sa dokumento ang dahilan ng inaasahang pagliban nito at ang panganib na umano’y dahilan kung bakit naitala nang maaga ang kanyang testimonya.
Itinuturing ng prosekusyon si P-0002 na mahalagang saksi dahil malawak umano itong binanggit sa kanilang trial brief. Sinuportahan din ng mga abogado ng mga biktima ang pagtanggap sa testimonya dahil sa posisyon at personal na kaalaman ng dating pulis.
Kinuwestiyon din ng depensa ang kredibilidad ng saksi, kabilang ang umano’y hindi pagkakatugma ng kanyang salaysay tungkol sa unang insidente ng pagpatay sa tatlong hinihinalang drug pusher sa San Rafael, Davao City, noong bandang 2013.
Ayon sa depensa, nagkakaiba ang mga detalye sa taon ng insidente, bilang ng mga biktima, mga sangkot at mga pangyayari sa pamamaslang.
Kabilang din sa mga alegasyong ibinatay umano sa salaysay ni P-0002 ang paglikha ni Duterte ng police “Death Squad,” pag-atas sa mga miyembro nito bilang hitmen, pag-uutos na pumatay ng tatlo o apat na lalaki, at pagbibigay ng pabuya at pondo para sa armas at bala.
Binigyang-diin na mga alegasyon ito ng prosekusyon at hindi pa mga pinal na factual finding ng ICC.
Ayon kay Haynes, wala rin silang nakitang sapat na ebidensiyang nagpapatibay sa mga pahayag ng dating pulis mula sa mahigit 62,000 dokumento at iba pang ebidensiyang ibinahagi ng prosekusyon.
Sa hiwalay na mosyon, hiniling din ng kampo ni Duterte na utusan ang prosekusyon na kunin at ibunyag ang mga rekord ng pagkakaaresto, hatol, sentensiya, warrant of arrest at iba pang kasong kinasangkutan ng mga saksi at biktimang nakalista sa updated trial brief.
Partikular nilang binanggit ang saksi na P-1302, na inaasahang unang haharap sa korte, at sinabing may mga ulat tungkol sa mga kasong kinasangkutan nito sa Pilipinas ngunit wala umanong kaukulang dokumentong isiniwalat sa depensa.
Giit ng kampo, maaaring makatulong ang mga rekord sa pagsusuri sa kredibilidad ng mga saksi at sa pagtiyak kung may mga impormasyong makapagpapawalang-sala sa dating pangulo.
Wala pang inilalabas na desisyon ang ICC Trial Chamber III sa dalawang kahilingan.
Nakatakdang magsimula sa Nobyembre 30 ang paglilitis kay Duterte kaugnay ng mga kasong crimes against humanity. RNT/MDS