Home TOP STORIES Skyscraper sa Riyadh, napinsala sa pag-atake ng Houthis

Skyscraper sa Riyadh, napinsala sa pag-atake ng Houthis

1
0

RIYADH, Saudi Arabia – Napinsala ng pag-atake ng grupong Houthi ang isang kilalang skyscraper sa King Abdullah Financial District sa Riyadh, Saudi Arabia nitong Huwebes, kasunod ng sunod-sunod na pag-atake sa kaharian habang muling umiigting ang digmaang sibil sa Yemen.

Kinumpirma ng mga awtoridad na tinamaan ang isang tore at dalawang katabing gusali, na nagdulot ng pinsala sa ilang palapag ngunit walang naiulat na nasawi o nasugatan.

Bagama’t hindi pinangalanan ng mga awtoridad ang gusali, makikita sa mga larawang inilabas ng Civil Defence ang basag na salamin at pinsala sa panlabas na bahagi ng tore na kinaroroonan ng Public Investment Fund o PIF, ang sovereign wealth fund ng Saudi Arabia.

Inako naman ng Houthis ang responsibilidad sa pag-atake. Ayon sa pahayag ng tagapagsalita nitong si Yahya Saree sa X, dalawang beses nilang pinuntirya ang financial district ng Riyadh—bago magbukang-liwayway at muli sa huling bahagi ng araw.

Inangkin din ng grupo ang mga pag-atake sa King Khalid International Airport sa Riyadh, isang petrochemical facility sa Jubail at isang air base sa Khamis Mushait.

Ito na ang ikalawang pagkakataon ngayong Nobyembre na napinsala ang isang tore sa financial district ng Riyadh. Nauna nang tinamaan sa pag-atake ng Houthis ang gusali ng oil giant na Aramco.

Ayon sa Saudi-led coalition, naagapan nito ang banta ng missile na inilunsad ng Houthis patungo sa Riyadh.

Nakatayo sa taas na 385 metro ang PIF tower at nagsisilbing pangunahing palatandaan sa financial district, na bahagi ng plano ni Crown Prince Mohammed bin Salman na pag-ibayuhin ang ekonomiya ng Saudi Arabia sa ilalim ng Vision 2030.

Samantala, iniulat ng Houthi-run media na muling naglunsad ng pag-atake ang Saudi Arabia sa kabisera ng Yemen na Sanaa. Ayon sa health ministry na pinamamahalaan ng Houthis, 11 sibilyan ang nasawi at 36 ang nasugatan sa mga airstrike at insidente ng landmine sa ilang lalawigan sa nakalipas na 24 oras.

Nagsimula muling lumala ang digmaan nitong mga nakaraang buwan matapos ang tigil-putukan noong 2022. Ayon sa United Nations, mahigit 1,600 na ang nasawi at mahigit 300,000 katao ang napilitang lumikas mula nang muling sumiklab ang labanan. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here