MANILA, Philippines – Inanunsyo ni Energy Secretary Sharon Garin na darating na ang mga bagong generator set at solar panel sa Siquijor upang tugunan ang matagal nang problema ng rotational brownouts sa isla.
Ayon kay Garin, bahagi ito ng pagtugon ng pamahalaan sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ibalik sa normal ang suplay ng kuryente sa lalawigan bago matapos ang taon. Ilang residente ang nakakaranas ng pagkawala ng kuryente mula apat hanggang walong oras kada araw.
“Meron kami deadline na before the end of the year, dapat balik na sa normal, hindi na dapat 4–8 hours,” ayon kay Garin sa sidelines ng pagbubukas ng Tanawon Geothermal Power Plant sa Sorsogon.
Kasalukuyang nasira ang ilang gensets sa isla at patuloy ang pagkukumpuni. Bukod sa repair, may bagong procurement din para sa karagdagang gensets at solar panel.
“Meron kaming solar project doon para sa LGU, provincial government. We will put solar panels in all provincial buildings. That will happen December 1. On time yun,” dagdag ni Garin.
Plano rin ng Department of Energy (DOE) na ayusin ang power distribution loop ng Prosielco (Province of Siquijor Electric Cooperative) upang mapagsabay ang operasyon ng dalawang planta ng Sipcor (Siquijor Island Power Corporation).
“Papaayos namin within the year – I think September or November – yung looping ng distribution ng Prosielco. Kailangan mag-synchronize ang dalawang planta ng Sipcor at ayusin lahat ng gensets within the year, actually within 2 months,” ani Garin.
Kumpiyansa ang DOE na tuluyang maaayos ang problema sa kuryente ng lalawigan bago matapos ang taon, kasunod ng direktiba ni Pangulong Marcos sa kanyang State of the Nation Address. RNT/JGC