MANILA, Philippines – Nilinaw ng Department of Health (DOH) na walang karagdagang requirements na dapat ihanda ang mga Filipino para sa “Zero Billing” policy sa 87 DOH-run hospitals sa bansa.
Ayon sa ahensya, hindi inoobliga ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang publiko para sa karagdagang dokumento sa mga pasyenteng kukuha ng polisiya na kilala rin bilang “No Balance Billing” policy, sa anumang DOH-run hospital.
“Walang anumang interview na kinakailangan dahil ang lahat ng Pilipino ay miyembro ng PhilHealth alinsunod sa Universal Health Care Law,” saad sa pahayag ng DOH nitong Biyernes, Agosto 2.
“Bilang miyembro, lahat ng Pilipino—may kakayanan man o wala na magbayad ng kontribusyon—ay garantisado sa No Balance Billing kung sila ay maa-admit sa basic o ward accommodation,” dagdag pa.
Siniguro ng DOH sa publiko na patuloy ang PhilHealth sa pagsiguro ng pantay-pantay na access sa serbisyong pangkalusugan sa lahat ng Filipino.
Nauna nang sinabi ni Health Sec. Teodoro Herbosa na ang lahat, anuman ang kanilang socioeconomic status, ay maaaring ma-admit sa basic accommodation o ward accommodation sa alinmang 87 DOH-run hospitals sa buong bansa nang hindi kinakailangang magbayad.
Ani Herbosa, nagsimula ang DOH sa pagpapatupad ng programa noong Mayo 18. RNT/JGC