MANILA, Philippines – Sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng 11 taxi at Transport Network Vehicle Service (TNVS) drivers sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos ireklamo ng mga pasahero sa paniningil ng sobra.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng LTO-Inteligence and Investigation Division, ang mga drayber ay naniningil sa kanilang mga pasahero ng hanggang P700 para sa maikling distansya ng byahe mula NAIA Terminal 1 patungong Terminal 3.
“We already suspended a lot of erring taxi and TNVS drivers in the past weeks. Akala yata ng mga ito ay ningas cogon lang ang ginagawa natin, nagkakamali sila at itong 11 na drivers na ito ay patunay na tuloy tuloy ito,” ayon kay LTO chief Vigor Mendoza II.
“We also ordered them to immediately surrender their driver’s license. Dahil sa kanilang pananamantala, matagal-tagal o baka hindi na sila makapag-trabaho bilang taxi at TNVS drivers,” dagdag ni Mendoza.
Ayon sa LTO, ang pagsuspinde sa lisensya ay hiwalay mula sa legal na hakbang na isinasagawa ng LTFRB na may kaugnayan sa prangkisa ng 11 taxi at TNVS. RNT/JGC