LANAO DEL SUR-PATAY ang isang guro matapos barilin ng hindi pa nakikilalang suspek habang naglalakad ang una, nitong umaga ng Lunes, Agosto 4 sa bayan ng Balabagan.
Kinilala ang biktima na si Danilo Barba, 34, residente ng Trento, Agusan del Sur, at guro sa Balabagan Trade School.
Batay sa report ng Balabagan Police, bandang alas-8 ng umaga ng Lunes naganap ang krimen sa Barangay Nara ng nasabing bayan.
Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, naglalakad ang biktima sa nasabing lugar nang bigla na lamang itong pagbabarilin ng armadong kalalakihan saka mablis na tumakas.
Nagtamo ng tama ng bala sa iba’t ibang parte ng katawan ang biktima na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.
Mariin naman kinondena ni Bangsamoro Education Minister Mohagher Iqbal ang krimen.
“Ang pag-atake sa isang guro — isang taong iniaalay ang buhay para hubugin ang kinabukasan ng kabataan — ay masakit at hindi katanggap-tanggap,” ani Iqbal.
Nagsasagawa na ng follow-up investigation ang pulisya para malaman ang tunay na motibo sa krimen at pagkakakilanlan sa mga suspek para sa agaran pagdakip. Mary Anne Sapico