MANILA, Philippines – Nakaapekto sa suplay ng bigas at iba pang produkto sa Itbayat, Batanes ang masamang lagay ng panahon, ayon sa provincial disaster risk reduction and management office (PDRRMO).
Sa ulat, sinabi ng Batanes PDRRMO na karamihan sa mga suplay nila sa Itbayat ay nanggagaling pa sa Basco sa pamamagitan ng dagat o himpapawid, ngunit dahil sa malalakas na alon at masamang panahon ay naging pahirapan ang paghahatid ng mga ito.
Sa kasalukuyan ay mahigit dalawang linggo na ang tuloy-tuloy na pag-ulan sa Batanes.
Bukod sa bigas, nagresulta rin ang masamang panahon sa mababang stock ng mais, animal feeds, at petroleum products.
Ang Itbayat ay mayroong populasyon na nasa 2,000 katao.
Samantala, magsasagawa ng missionary flight ang Philippine Air Force para maghatid ng mga relief goods sa Basco. RNT/JGC