CEBU CITY- NASAGIP ng mga awtoridad ang isang 31-anyos na lalaking palaboy matapos ma-trap sa loob ng imburnal sa P. Lopez Street, Barangay Sto. Niño, nitong Linggo, Agosto 3.
Ayon kay Alphe Villacruz Pandac, fire auxiliary ng Barangay Senior Sto. Niño Fire Brigade, pumasok sa bukas na manhole ang lalaki malapit sa University of San Jose-Recoletos bandang 7:30 a.m. para maghanap ng baryang pambili ng pagkain.
“Gigutom siya, wala siyay pamilya. Nisud siya sa embornal nagbakasakali makakita og sinsilyo,” ayon kay Pandac. Napagtanto lamang ng lalaki na hindi na siya makalabas bandang alas-2 ng hapon.
Matagumpay siyang naiahon ng mga tauhan ng Special Rescue Squad ng Cebu City DRRMO sa tulong ng mga barangay volunteer at pulisya matapos buksan ang manhole malapit sa Metrobank.
Agad naman dinala sa barangay hall ang lalaki para linisin ang katawan.
Binalaan naman ng mga awtoridad ang lalaki na kapag maulit ng insidente ay maaari siyang hulihin sa kasong public disturbance. Mary Anne Sapico