Home OPINION DUE PROCESS: ANONG HAYOP BA ITO?

DUE PROCESS: ANONG HAYOP BA ITO?

246
0

BUKAS, Agosto 6, 2025, tatayo at magdedesisyon na ang Senado bilang Impeachment Court (IC) kung itutuloy nito o hindi ang paglilitis sa kasong impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.

‘Yan ay kung hindi na pakikinggan ng IC ang kahilingan ng Kamara na hintayin ang desisyon ng Supreme Court (SC) sa motion for reconsideration na ihahain nito sa Agosto 11, 2025 laban sa desisyon ng huli na labag sa Konstitusyong 1987 ang ika-4 na impeachment complaint na dahilan na rin upang ituring ito na null and void ab initio o walang saysay mula sa simula.

Katwiran pa ng SC sa pagbasura sa nasabing complaint, nalabag din ang due process o patas na paglilitis dahil hindi man lang binigyan si VP Sara ng pagkakataon na ipagtanggol ang sarili.

Diin ng SC, dapat pairalin ang due process kahit pa sa impeachment.

At dahil labag sa Konstitusyon at null and void ab initio ang impeachment complaint, sinabi na rin ng SC na walang dahilan para itayo ng Senado ang sarili na IC at immediately executory o agad na ipatupad ang desisyon o noong Hulyo 25, 2025.

Ayon kay Senate President Chiz Escudero at pinuno na rin ng IC, lalong may dahilan ang IC na magdesisyon kung may maghahain ng resolusyon na huwag muna itong gagawa ng desisyon at maghintay sa desisyon ng SC sa motion for reconsideration.

Habang tinitipa ito, may apat o limang senador-hukom na maaaring maghain ng resolusyon at kailangan namang pagbotohan ito agad ng buong IC upang hindi malabag ang desisyon ng SC na immediately executory at bilang paggalang na rin sa SC.

Ayon naman kay Senate Pro-Tempore Jinggoy Estrada, nasa 19-20 senador o senador-hukom ang nagbibigay-galang sa SC.

KANYA-KANYANG ANGKIN SA DUE PROCESS

Sa desisyon ng SC, bukod sa bawal magsampa ng higit sa isang impeachment complaint sa iisang impeachable official sa loob ng isang taon na nangyari ito sa ika-4 na complaint, nilabag din ng Kamara ang due process.

Kaya naman nagtatanong ang ating Uzi: Anong hayop ba talaga itong due process?

Una, sinasabi ng SC na nilabag ng Kamara ang karapatang due process ni VP Sara nang in-impeach o ginawan siya ng kaso.

Ikalawa, sinasabi naman ng Kamara na walang sinasabi ang Article Xl, Section 3 paragraph 4 na due process at sa halip, kung iendorso na ng “at least one third” ng buong kasapian ng Kamara ang impeachment complaint, pwede nang agad idiretso ito sa Senado at maglitis na ito “forthwith”.

Ikatlo, ngayong nais na pagbotohan ng Senado o IC kung itutuloy nila o hindi ang paglilitis, humihingi naman ngayon ang Kamara ng due process.

‘Yun bang === dapat hintayin muna umano ang desisyon ng SC sa motion for reconsideration.

Ikaapat, due process din umano ang iiral kung magdedebate at magbotohan ang mga senador o senador-hukom ukol sa paglilitis o hindi sa kaso, may desisyon man o wala ang SC sa motion for reconsideration.

Anong hayop nga ba ang due process at kanya-kanya ang pag-angkin dito?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here