CALOOCAN, Philippines – Apat na katao ang isinugod sa pagamutan matapos mahilo at mahirapang huminga nang makalanghap ang mga ito ng masangsang na amoy mula sa tumagas na ammonia sa isang food processing facility kahapon sa Caloocan City.
Dakong alas-10 ng umaga kahapon nang magsimulang maamoy ng mga residente ng Tanigue St., Brgy. Dagat-dagatan ang nakakasukang amoy na nagmumula sa Isang pasilidad ng food processing.
Dahil dito, naglabasan mula sa nasabing pasilidad ang mismong mga kawani rito at maging ang mga residente na naninirahan malapit dito ay nakalanghap din ng nasabing kemikal.
Maging ang mga tauhan ng Caloocan Department of Public Safety and Traffic Management (DPSTM) at ilang mga driver ng mga container van na may tanggapan sa likod lamang ng pasilidad na pinanggagalingan ng sumingaw na ammonia ay nakaamoy din nito.
Ilang mga residente rin sa lugar ang nakaranas ng pangangati ng mga mata, kahirapan sa paghinga at tila nasusuka kaya’t ipinasiya rin nilang lumayo pansamantala sa lugar.
Kaagad namang inatasan ni Mayor Along Malapitan si Dr. James Lao, hepe ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) na mag-deploy ng mga ambulansiya at mga medical health practitioners sa lugar upang umasiste sa mga residente.
Naampat naman kaagad ang pagtagas ng ammonia nang isara muna ng pasilidad ang barbula upang hindi na tumagas ang masangsang na amoy ng kemikal. (Merly Duero)