NEW DELHI – Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga ahensiya ng gobyerno na tiyakin ang “red carpet treatment” para sa Sangley Point International Airport project sa Cavite.
Muling pinagtibay ng Pangulo ang suporta para sa fast-tracked development nito sa isang pagpupulong kasama ang Indian infrastructure giant GMR Group.
Nakapulong ni Pangulong Marcos ang mga top executives ng GMR sa Taj Mahal Hotel sa New Delhi, araw ng Miyerkules, pangatlong araw ng kanyang state visit doon.
Ang GMR Group, isang strategic partner ng Sangley Aerocity Project, ay kabilang sa pagde-develop ng international airport at kalapit na aerotropolis sa Sangley Point sa Cavite.
Layon ng Sangley airport na paluwagin ang Metro Manila’s Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
“Today is another positive step for the Sangley Airbase Airport to finally come into fruition,” ang sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla sa isang panayam, kasama ng Pangulo sa miting.
“Within two and a half years, madadagdagan tayo ng isa pang runway. Twenty million more passengers [can be accommodated] within two years. Luluwag ang NAIA, giginhawa ang biyahe ng lahat ng ating Pilipino at dadami ang mga dayuhan na pupunta rito bilang turista,” ang sinabi pa rin ng Kalihim.
Nauna rito, sinabi ni Remulla na ipinag-utos ng Pangulo ang ganap na pagsuporta mula sa lahat ng kinauukulang ahensiya ng pamahalaan kabilang na ang Philippine Navy, Department of Transportation, Department of Trade and Industry, at Department of Finance—para tiyakin na proyekto ay mananatiling ‘on track.’
“Ang direktiba niya ay red carpet treatment para sa GMR… para masiguradong ang investment ay darating at giginhawa ang Pilipinas,” aniya pa rin.
Ipinagmalaki naman ni Remulla ang track record ng GMR, tinukoy ang papel nito sa pag-develop sa Mactan-Cebu International Airport at Clark International Airport.
Ang Sangley Airport project, binuo at dinebelop sa ilalim ng public-private partnership sa pangunguna ng Cavite provincial government, dinisenyo na maging alternative international gateway sa oras na makompleto.
Sa isang social media post, sinabi ng Presidential Communications Office (PCO) na nagpahayag ng interest ang GMR executives na suportahan ang Build Better More program, sa isinagawang pakikipagpulong kay Pangulong Marcos.
Maliban sa Sangley Airport project, tinitingnan din ng grupo ang paparating na mga bid para sa regional airports na inaasahan na magbubukas bago matapos ang taon, at maging ang ibang infrastructure projects sa bansa. /Kris Jose