MANILA, Philippines – Tiniyak ng Civil Service Commission na hindi layunin ng Government Optimization Act ang mass layoff kundi ang pagpapabuti ng serbisyo publiko sa pamamagitan ng pag-alis ng mga redundant na tungkulin sa mga ahensya ng gobyerno.
Ayon kay Assistant Commissioner Ariel Ronquillo, protektado ang mga maaapektuhang empleyado sa ilalim ng Republic Act No. 6656 na nagtitiyak ng due process at benepisyo. “They will be separated, pero ‘di naman basta-basta sila ise-separate lang. Bibigyan sila ng karampatang separation pay on top of the retirement benefits,” aniya.
Dagdag niya, maaaring magsampa ng reklamo ang mga empleyadong naniniwalang sila ay hindi makatarungang tinanggal. Kung mapatunayang may mali, maaari silang maibalik sa serbisyo.
Nilinaw ni Ronquillo na hindi ito gagamitin para sa arbitraryong pagtanggal at pangunahing sakop nito ang Executive Branch, bagaman maaaring sumunod ang ibang sangay ng pamahalaan.
Samantala, binatikos ng government workers’ union na COURAGE ang batas, na anila’y banta sa seguridad sa trabaho ng 2.9 milyong empleyado. Giit nila, hindi sapat ang separation incentives para solusyunan ang pangmatagalang epekto ng pagkawala ng hanapbuhay, lalo’t maraming Pilipino ang umaasa sa trabaho sa gobyerno.
Babala rin nila na ang mga matitira ay mabibigatan sa trabaho, magreresulta sa burnout, mababang morale, at paghina ng kalidad ng serbisyo. RNT