MANILA, Philippines – Inaresto noong Hulyo 31 ang isang 35-anyos na police major matapos ireklamo ng seksuwal na pang-aabuso ng isang 23-anyos na kadete sa Philippine National Police Academy sa Silang, Cavite.
Ayon sa PNPA, nangyari ang insidente habang nananatili pa ang kadete sa isolation facility bago ang kanyang pormal na paglabas mula sa akademya. Naghain siya ng reklamo sa piskalya, at magsasampa rin ng kasong administratibo ang PNPA. Nakakulong na ang suspek.
“The perpetrator is now under the full custody of the law,” ayon sa PNPA. Tinitiyak din ng akademya ang pagbibigay ng psychological support sa biktima.
Iginiit ni PNPA Director Brigadier General Andre Dizon na ligtas pa ring magsanay ang mga kadete sa akademya at tinawag ang insidente bilang “isolated case” at “personal choice, not an organizational culture.”
Batay sa ulat ng pulisya, nilasing umano ng opisyal ang kadete at humiling ng masahe. Habang nasa barracks, hinubaran umano ng opisyal ang kadete at sinimulan itong abusuhin sa maselang bahagi ng katawan, kabilang na ang pagsasagawa ng oral sex kahit paulit-ulit na tumanggi ang biktima.
Kinondena ng National Police Commission ang insidente. Ayon kay Vice Chairperson Rafael Vicente Calinisan, posibleng rape at hindi lamang acts of lasciviousness ang kaso.
“This is the police academy, so wala ho talagang puwang ang ganitong klase ng actuations,” aniya. “Dapat ang buong PNP, ang buong Napolcom, imbestigahan ito… Hindi ito example ng tamang pamamaraan.” Santi Celario