Home NATIONWIDE P20/bigas iaalok na rin sa mga magsasaka

P20/bigas iaalok na rin sa mga magsasaka

272
0

MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Agriculture (DA) na isusulong ng ahensya ang pagpapalawak sa P20 rice program ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga maliliit na magsasaka ng palay sa kabila ng kritisismo ng mga nagpapakilalang lider ng mga magsasaka.

Itinakda sa Agosto 13, ang inisyatiba na magbibigay-daan sa milyon-milyong mga magsasaka o mga nagtatanim ng hindi hihigit sa tatlong ektarya at nakarehistro sa ilalim ng Registry System for Basic Sectors in Agriculture – upang makabili ng hanggang 10 kilo ng bigas kada buwan at sinubsidiyang presyo na P20 per kilo.

Ang mga magsasaka at manggagawa sa bukid ay mayroong opsiyon na kunin ang buong alokasyon na isang 50-kilo sako sa pagitan ng Agosto at Disyembre ngayong taon.

Kaugnay nito, ipinagtanggol ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. ang programa laban sa mga kritiko na nagsabing panandalian lamang ito at nabigong tugunan ang mas malalim na ugat ng isyu sa sektor.

“Inaalok namin ang murang pagkain para sa higit na nangangailangan,” aniya.

“Hindi pinipilit ang sinuman na bumili nito. Pinapagaan lang namin ang buhay ng mga taong napapakain sa bansang ito. Isa lamang itong hakbang – isa lamang tungo sa malaking seguridad sa pagkain.”

Kinilala ni Tiu Laurel na umuusad na ang pangmatagalang termino ng mga reporma, kabilang na ang mga mungkahi na itaas ang taripa sa imported na bigas at suspendihin ang importasyon.

Subalit binigyang-diin nito na ang bilis ng pagbabago sa polisiya ay nahadlangan ng kakulangan ng maaasahang datos na maaari sanang ma-access kung naibalik ang regulatory functions ng National Food Authority.

“Ang kakulangan ng tumpak na data ay maglalagay sa panganib sa paggawa ng mga polisiya,” aniya.

“Nakikinig kami sa mga taong ang mga bota ay nasa putikan – ang mga magsasaka na nagtatrabaho sa lupa – hindi sa mga kritikong nakaupo lamang at walang inialok na mga solusyon.”

Direktang sinagot ni Tiu Laurel ang mga kritiko sa pagsasabing: “Ang mga kritisismong walang maayos na alternatibo ay nagpapabagal lamang sa atin. Kung mayroon kayong totoong malasakit sa sektor, maglabas kayo ng mga ideya. Tulungan ninyo kaming bumangon. Hindi lang upang gibain.” Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here