MANILA, Philippines – Mananatiling nasa ilalim ng mahigpit na pagbabantay ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang isang flight school sa Zambales kahit naalis na ang suspensyon nito matapos ang isang plane crash na ikinasugat ng apat katao.
Sinuspinde ng CAAP ang lahat ng flight training operations ng Topflite Academy of Aviation Inc. (TAAI) matapos bumagsak ang isang Cessna 172 training aircraft (tail number RP-C2211) malapit sa Iba Airport noong Hulyo 11.
Sa pahayag nitong Sabado, Agosto 9, sinabi ng CAAP na epektibo noong Agosto 6 ang pagbawi ng suspensyon sa TAAI ngunit kailangan pa rin nitong magsumite ng corrective action plans para tugunan ang mga inspection findings sa itinakdang panahon.
Nananatiling suspendido ang lahat ng piloto na sangkot sa insidente habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Dagdag ng CAAP, mananatili sa heightened monitoring at surveillance ang TAAI upang masiguro ang pagsunod sa lahat ng safety requirements.
Iniulat ng CAAP na ang eroplanong bumagsak ay nasa training flight mula Subic. Ligtas ang flight instructor at tatlong estudyanteng sakay nito matapos mabigyan ng agarang lunas. RNT/JGC