MANILA, Philippines – Pinuri ni Presidential Peace Adviser Carlito Galvez Jr. si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos tiyakin ng punong ehekutibo na sisiguruhin ng pamahalaan ang ganap na tagumpay ng Bangsamoro parliamentary elections sa Oktubre.
Ayon kay Galvez, malinaw na pahayag ito ng matibay na suporta ng gobyerno sa Bangsamoro peace process, na layong bigyan ng pagkakataon ang mamamayan ng BARMM na pumili ng sarili nilang mga lider at magtakda ng kanilang kinabukasan.
Kasama sa hakbang ng Pangulo ang pagsasabatas ng pagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa susunod na taon upang mabigyang-pokus ang Commission on Elections at mga security forces sa BARMM polls.
Binigyang-diin ni Galvez na ang nalalapit na halalan ay katuparan ng Political Track ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro, ang kasunduang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at Moro Islamic Liberation Front noong 2014.
“Itong kauna-unahang parliamentary elections sa BARMM ay isang makasaysayang tagumpay at mahalagang yugto sa ating peace journey,” ani Galvez.
“Ito ang katuparan ng pangako sa Bangsamoro people na mula sa appointive government ay lilipat tayo sa tunay na representative government.”
Nakatakdang idaos ang unang regional parliamentary elections ng BARMM sa Oktubre 13, 2025, alinsunod sa Republic Act No. 12123 na nilagdaan ni Marcos noong Pebrero 2025.
Bilang paghahanda, pangungunahan ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU), katuwang ang Comelec, Presidential Task Force on Media Security at BARMM Information Office, ang serye ng Information, Education, and Communication campaigns para sa mga mamamahayag sa Mindanao upang mas maunawaan nila ang peace process, halalan at safety protocols sa kanilang coverage.
“Napakahalaga ng papel ng media sa nation-building at sa paghubog ng opinyon ng publiko,” ani Galvez. “Dapat silang maging handa upang makapag-ulat nang tumpak, balanse at malalim para sa makasaysayang eleksyong ito.” RNT/JGC