Home NATIONWIDE Hustisya sa 11 Pinoy na inabuso ng Dutch employer ipinanawagan

Hustisya sa 11 Pinoy na inabuso ng Dutch employer ipinanawagan

281
0

MANILA, Philippines – Nanawagan ng hustisya ang mga demonstrador sa The Hague, Netherlands, nitong Biyernes, Agosto 8 para sa 11 manggagawang Pinoy na umano’y inabuso ng kanilang Dutch employer.

Ayon kay Mary Grace Labasan ng Gabriela Netherlands, Migrante Europe at International Migrants Alliance, nalaman nila ang kalagayan ng mga biktima nang isa sa kanila ang tumawag upang humingi ng tulong.

Agad umanong kumilos ang kanilang network para makahanap ng mga abogado, kumonekta sa mga human rights group, at magbigay ng tulong gaya ng vouchers para sa pagkain at mga pangunahing pangangailangan.

Kabilang sa kanilang imbestigasyon ang pag-alam sa “migration route” ng mga biktima, kung paano nila nakuha ang trabaho, detalye ng kanilang sahod, kontrata, kondisyon sa trabaho, at kung paano sila tinrato.

Sa ngayon, nakikitira umano ang mga manggagawa sa mga kaibigan o kakilala, at kadalasan ay natutulog sa sofa o banig sa sala.

Isa sa mga dating empleyado, si Lilian (hindi tunay na pangalan), ay nagsabing ipinangako sa kanila ang work visa at maayos na sahod bilang mga cleaner ngunit nakaranas sila ng matinding pangaabuso.

Sa reklamong isinampa sa Dutch Labor Inspectorate noong Hulyo, inakusahan nila ang kompanya ng Saints & Stars sa Amsterdam ng hindi pagbibigay at pagkaantala ng sahod, pagkumpiska ng pasaporte, at sapilitang pagpapagawa ng 12 hanggang 17 oras na trabaho sa loob ng pitong magkakasunod na araw nang walang pahinga.

“Hindi kami puwedeng maupo, hindi puwedeng mag-toilet, hindi kami puwedeng magpahinga… Hindi namin puwedeng bagalan ang lakad namin dahil iyun ang aming magiging mitsa sa pagkakatanggal namin sa trabaho at itatapon kami sa labas na parang aso. Hindi lang po ako nakaranas noon. Marami po kami,” aniya, sa panayam ng ABSCBN News.

Dagdag niya, apat hanggang limang tao ang pinagsisiksikan sa bawat kuwarto na dapat ay pansamantala lamang.

“Pero habang tumatagal, dumadami lang kami ng dumadami sa isang lugar.”

Kinumpiska rin umano ng employer ang kanilang mga pasaporte para sa sinasabing pagproseso ng work permit, insurance, at health card na hindi naman naibigay.

“At dahil wala kaming pasaporte, andoon ang aming kaba at takot na matanong kami ng isang opisyal o ng pulis dahil hindi kami legal sa bansang Netherlands. Ganun pa man, napagkaisahan pa rin namin na ilaban ang aming karapatan kung saan iyung mga pangakong hindi naibigay ay aming inilalaban,” aniya.

Isa pang manggagawa ang nagsabing inalok sila ng Saints & Stars ng tig-5,000 Euro kapalit ng pananahimik sa mga kondisyon sa gym.

Ayon kay Mark Pascual, campaign officer ng Migrante Netherlands, ang nasabing alok ay “both an insult and at the same time an admission of guilt” mula sa may-ari ng gym na si Tom Moos. “Pwes, nagkakamali sila,” aniya.

Tumanggi na umanong magkomento si Moos matapos maglabas ng video statement kaugnay ng mga alegasyon. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here