ILOCOS SUR – Patay ang isang babaeng guro at mister nito matapos silang pagbabarilin sa Brgy. Patong, Magsingal ng lalawigang ito kahapon ng umaga, Agosto 9.
Ayon sa pulisya, ang babaeng guro ay 32-anyos samantalang ang mister nito ay 33-anyos, parehong residente ng naturang lugar.
Himalang hindi nasaktan sa naturang insidente ang 9-anyos na anak na babae ng mga biktima.
Base sa imbestigasyon, ang tatlo ay nakasakay sa tricycle at bumibiyahe papuntang kanluran sa barangay road sa naturang lugar nang biglang pagbabarilin sila ng suspek na nakasuot umano ng bonete.
Matapos ang pamamaril, agad na tumakas ang suspek sa hindi matukoy na direksyon.
Parehong nagtamo ng multiple gunshot wounds sa iba’t ibang parte ng kanilang katawan ang mag-asawa.
Idineklarang dead on arrival sa ospital ang lalaking biktima samantalang ang misis nito ay nalagutan din ng hininga habang sinisikap isalba ng mga doktor.
Habang isinusugod sa ospital ang mag-asawa ay nasabi pa umano ng babaeng biktima kung sino ang bumaril sa kanila bago siya nawalan ng malay.
Nakarekober ang mga awtoridad ng mga kapsula ng mga bala ng cal. 5.56 at cal. 45 sa crime scene. Rolando S. Gamoso