Home NATIONWIDE DSWD, online shop nagsanib-puwersa sa pagpapalakas ng e-negosyo ng SLP beneficiaries

DSWD, online shop nagsanib-puwersa sa pagpapalakas ng e-negosyo ng SLP beneficiaries

4
0

DAVAO DEL NORTE, Philippines – Pinalakas ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang suporta sa mga lokal na negosyante sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa TikTok Shop Philippines upang turuan ang mga benepisyaryo ng Sustainable Livelihood Program (SLP) sa Mindanao ng digital literacy at e-commerce skills.

Isinagawa noong Martes, Oktubre 27, sa Tagum City ang Mindanao leg ng “Tara, Live Sell Na! Ang DSWD-SLP at TikTok Shop Unlad Lokal Roadshow.” Layunin nitong sanayin ang mga micro-entrepreneur sa online merchandising, paggawa ng content, live selling at digital marketing.

Sa mensaheng ipinahatid ni Assistant Secretary for Community Engagement Ulysses Hermogenes Aguilar, binigyang-diin ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang mahalagang papel ng mga digital platform sa pagpapalawak ng kabuhayan ng mga benepisyaryo.

“Alam naman natin ang SLP ay programa para tulungan ang mga bulnerableng Pilipino na mabigyan ng kabuhayan. Kaya naman nais nating mas mapalakas pa ang programa para mas marami pa tayong matulungan sa pamamagitan ng paggamit ng makabagong teknolohiya,” sabi ni Aguilar sa ngalan ni Gatchalian.

Sa pamamagitan ng partnership, matututuhan ng mga kalahok kung paano gamitin ang mga digital platform upang maipakita at maibenta ang kanilang mga produkto sa mas malawak na merkado, lampas sa kanilang mga komunidad.

“Ang kagandahan po ng initiative na ito ay pwede na kayong kumita mula sa inyong sariling bahay. Gamit lang ang cellphone ninyo may pagkakataon kayong magbenta ng produkto ninyo sa mas maraming tao, malaking bagay to dahil maaari kayong magkaroon ng dagdag na pagkakakitaan habang nasa bahay,” ani Aguilar.

Sinusuportahan din ng digital roadshow ang direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na gawing digital ang mga programa at serbisyo ng gobyerno, kasabay ng patuloy na pagbibigay ng tulong sa pagpapaunlad ng kakayahan at kapital ng mga benepisyaryo.

Sa loob ng 15 taon ng pagpapatupad ng SLP, patuloy na nakatuon ang DSWD sa pagpapalakas ng kakayahan, pagpapalawak ng access sa merkado at pagtataguyod ng pangmatagalang katatagan sa kabuhayan at sariling kakayahang pang-ekonomiya ng mga kalahok. SANTI CELARIO

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here