MANILA, Philippines – Iginiit ni Senador Panfilo “Ping” Lacson na pinakamainam na hakbang ng Senado hinggil sa impeachment ni Vice President Sara Duterte ay ang hindi muna pag-aksyon habang nakabinbin pa sa Korte Suprema ang motion for reconsideration (MR).
Ito ay matapos ibasura ng Senado, sa botong 19 ang pabor, apat ang tutol at isang abstensyon, ang articles of impeachment laban kay Duterte kasunod ng desisyon ng SC na idineklarang unconstitutional ang proseso.
“Ang pinakamagandang aksyon sana ng Senado ay walang aksyon. Kapag hindi kami nag-act, hindi kami sumusuway sa utos ng Korte Suprema na immediately executory… Ang most respectful at saka best compliance dun sa order ng Korte Suprema, wala kaming gagawin,” pahayag ni Lacson sa panayam ng DZBB nitong Linggo, Agosto 10.
Paliwanag niya, nag-abstain siya sa pagboto bilang pagrespeto sa SC.
“Gusto ko sumunod sa existing ruling. Pero ayoko namang i-preempt ‘yung magiging final decision na pwedeng i-reverse pa ng SC base sa MR na inihain ng House,” dagdag niya.
Ayon kay Lacson, kung babaligtarin ng SC ang desisyon, siya at si Senate Minority Leader Vicente “Tito” Sotto III ay hihiling na ibalik mula sa archives ang impeachment case.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi ni Sotto na naniniwala siyang susunod ang mga senador sa magiging pinal na desisyon ng SC.
“Most of my colleagues voted to archive because of the SC decision. Therefore, if the SC reverses, it’s logical that we address the Articles of Impeachment,” aniya.
Noong Biyernes, naghain ng joint motion for reconsideration ang Koalisyong Makabayan para baligtarin ng SC ang naunang desisyon nito na ibasura ang impeachment laban kay Duterte. RNT/JGC