MANILA, Philippines – Hindi na kailangan mag-fill out ng forms ang mga estudyante, senior citizens at persons with disabilities (PWDs) upang makakuha ng 50% diskwento sa Metro Rail Transit (MRT) Line 3 at Light Rail Transit (LRT) Line 1 and 2.
Ibinasura ni Transportation Secretary Vince Dizon ang form requirements para maalis ang mga hindi kinakailangang pagkaantala at abala para sa mga commuter.
Kasunod ito ng kanyang obserbasyon sa isang estudyante na inabot ng mahigit isang oras sa pag-fill out lamang ng form na aniya ay sayang ang oras ng estudyante at ibang pasahero.
Sinabi ni Dizon na makikipagtulungan ang DOTr sa Commission on Audit (COA) para i-digitize ang proseso ng information gathering para sa fare discounts.
Samantala, sinabi rin ni Dizon na ang personalized beep cards ng mga estudyante na binibigyan ng awtomatikong 50% fare discounts sa Metro Manila rail lines ay magagamit simula Setyembre.
Mayroon itong pangalan at valid ng isang taon at maaaring irenew kada school year.
Kailangan lamang bumisita ang mga estudyante sa anumang MRT-3, LRT-1 o LRT-2 station simula sa susunod na buwan, ipakita ang kanilang school ID at magkaroon na ng personalized card na iimprenta on the spot.
Available din ang nasabing card sa senior citizens at persons with disabilities (PWDs) na awtomatiko ring makakatanggap ng 50% fare discount. Jocelyn Tabangcura-Domenden