MANILA, Philippines – Aabot sa P4 bilyong halaga ng flood control projects sa Iloilo City ang poorly constructed, hindi pa natapos o nawawala, ayon sa alkalde nito.
Dalawa sa mga kompanyang nasa likod ng mga proyektong ito ang kabilang sa 15 kompanya na nasa listahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nakakuha ng 20% ng mga pondo para sa flood control projects sa buong bansa.
Matatandaang paulit-ulit ding binabaha ang Iloilo City sa tuwing nararanasan nito ang mga malalakas na pag-ulan na dala ng Southwest Monsoon o mga bagyo.
Isinisi ni Iloilo City Mayor Raisa Treñas ang mga pagbahang ito sa mga palpak, hindi tinapos at mga ghost o missing infrastructures na nagkakahalaga ng P4 bilyon.
“Yung iba hindi namin makita kasi sometimes sa projects naka-specify lang, naka-general lang. slope protection for Iloilo, walang specific address. Kaya hindi din kami makabigay ng specific kung ano ba, details kung ano na, kumusta na yung project,” ani Treñas.
Inihayag ni Treñas na ang Timothy Construction Company at Alpha and Omega General Contractor and Development Corporation ang dalawa sa mga kompanyang sangkot sa mga proyektong ito.
Bawat kompanya ay binigyan ng mahigit P7 bilyong pondo.
Ani Treñas, apat sa flood control projects sa Iloilo City ang nakuha ng dalawang kompanyang ito na umabot na sa P600 milyon ang gastos ngunit walang nakasaad na impormasyon kung saan ito itatayo habang ang dalawang nakalistang lugar ay wala namang nagpapatuloy na proyekto.
Ang Iloilo City District Engineering Office ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang implementing agency ng naturang mga proyekto.
Kumukuha na ng iba pang impormasyon ang Iloilo City local government unit mula sa DPWH.
“Kaya ghost talaga kasi hinahanap natin. Hindi natin mahanap, nagtatago, or maybe, with the help of DPWH, they can locate these and they can explain to us kung saan ba at makita na natin yung ghost. Baka buhay pala,” sinabi ni Treñas.
Batay sa Securities and Exchange Commission general information sheet, ang St Timothy at Alpha and Omega ay may magkaparehong address sa pasig City.
Habang ang Office address para sa dalawang kompanya ay may nakalagay na pangalan na “St. Gerrard Construction” sa labas ng establisyimento nito.
Anang alkalde, maging ang St. Gerrard ay may kwestyonable umanong proyekto sa lungsod.
“The St. Gerrard Project, according sa barangay captain na andun, was to have an esplanade. Instead daw mas mataas daw yung esplanade, mas bumaba. Parang not according to specs,” sinabi ni Treñas.
Wala pang tugon ang mga sangkot na kompanya patungkol dito. RNT/JGC