Home NATIONWIDE Suporta ng DAR, napakinabangan ng higit 1-M ARBs sa buong bansa

Suporta ng DAR, napakinabangan ng higit 1-M ARBs sa buong bansa

297
0

MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Agrarian Reform (DAR) na mahigit isang milyong agrarian reform beneficiaries (ARBs) sa buong bansa ang nakakaranas ngayon ng mas maayos na pamumuhay dahil sa pinalakas na mga suportang serbisyo ng DAR sa ilalim ng Agrarian Reform Beneficiaries Development Sustainability Program (ARBDSP), na kinabibilangan ng imprastraktura, pagsasanay, kabuhayan, akses sa merkado, at pinansyal na tulong.

Sa ginanap na Post-State of the Nation Address (SONA) Discussions, muling tiniyak ni DAR Secretary Conrado M. Estrella III ang paninindigan ng ahensya na suportahan ang mga ARB kahit matapos na ang pamamahagi ng lupa.

Ito ay kasunod ng ika-apat na SONA ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., at binigyang-diin niya ang pinaigting na pamamahagi ng mga titulo ng lupa at pagbura ng utang sa pamamagitan ng pamamahagi ng Certificates of Land Ownership Award (CLOAs), electronic titles (e-Titles), at Certificates of Condonation with Release of Mortgage (COCROM).

“Napakarami pong support services ang naipapamahagi natin. Bukod sa pagtutulungan namin ni Secretary Kiko Laurel, at sa pagpapatayo ng mga Farm-to-Market Roads, nakakapagbigay rin tayo ng mga proyektong pang-irigasyon. Hindi lang iyon, namimigay rin tayo ng mga Farm Machineries and Equipment. Sa katunayan, dahil sa ating suporta, maraming kooperatiba ng repormang agraryo ang patuloy na nagtatagumpay,” ani Estrella.

Kaugnay nito batay sa datos noong Mayo 31, 2025, matagumpay na naipatayo ng DAR, sa pakikipagtulungan ng National Irrigation Administration, ng 213 proyekto sa patubig. Sa mga ito, 167 ay ganap nang gumagana habang 46 ay isinasagawa pa. May kabuuang halaga ang mga ito na Php 3.032 bilyon at nakakapagpatubig ng 9,897.58 ektaryang lupa na pinakikinabangan ng 8,443 ARBs.

Nakapagpatayo din ang DAR ng 340 Farm-to-Market Roads (FMRs) na may kabuuang haba na 281.946 kilometro at nakatulong sa 84,361 ARBs para sa mas mabilis na paggalaw at akses sa mahahalagang serbisyo. Ang mga proyektong ito ay may kabuuang halaga na Php 4.572 bilyon. Mayroon pang 237 FMRs na kasalukuyang ginagawa, ns may habang 233.333 kilometro at halagang Php 4.734 bilyon, na inaasahang pakikinabangan ng karagdagang 35,226 ARBs kapag ito ay nakumpleto.

Bilang bahagi ng modernisasyon sa pagsasaka, namahagi ang DAR ng 6,035 yunit ng mga farm machineries and equipment (FME) at mga kaugnay na pasilidad na nagkakahalaga ng Php 509 milyon. Ito ay ipinagkaloob sa 1,433 Agrarian Reform Beneficiaries Organizations (ARBOs) upang higit pang palakasin ang kakayahan ng mga komunidad sa kanayunan sa pagpapalawak ng kanilang operasyon.

Kalakip ng mga pisikal na pamumuhunan ang pagpapabuti sa pag-access sa kredito at microfinance. Sa pinakahuling tala, 357,177 ARB ang nakinabang sa mga serbisyong pinansyal, na may kabuuang 463,499 na transaksyon ng serbisyo at pondo na umabot sa Php 10.219 bilyon. Malaki ang naitutulong ng suportang ito sa pagpapatuloy ng kabuhayan ng maliliit na magsasaka at agripreneurs. (Santi Celario)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here