MANILA, Philippines – Nagpatibay ang Korte Suprema ng mga alituntunin sa pagkalkula ng halaga ng child support sa mga kasong walang nakasulat na kasunduan o nangangailangan ng pagbabago sa halaga ng sustento.
Inaprubahan ng SC en banc noong Nobyembre 6 ang Guidelines on Fixing of Child Support, na magsisilbing karagdagang gabay sa mga umiiral na probisyon ng Family Code of the Philippines at mga administrative order tungkol sa pagkilala sa mga desisyon ng ibang bansa kaugnay ng pagbibigay ng sustento sa mga bata.
Gayunman, hindi pa inilalabas ng Korte Suprema ang kopya ng mga naaprubahang alituntunin.
Ayon sa SC, nabuo ang guidelines dahil sa magkakaibang paraan ng pagtukoy sa pormula at halaga ng child support.
“While preserving the discretion of members of the Bench in arriving at the amount of child support, the guidelines seek to provide judges with a uniform, objective, and evidence-based approach towards the promotion of the best interests of the child,” ayon sa Korte.
Layunin ng iisang pormula na mapabilis at maging mas maayos ang pagdedesisyon ng mga hukom sa mga kasong walang nakasulat o balidong kasunduan, o kung may pagbabago sa kalagayan ng mga magulang at bata na nangangailangan ng muling pagkalkula ng sustento.
Tinalakay rin sa guidelines kung sinu-sino ang mga nasa hustong gulang na maaaring obligadong magbigay ng suporta at pangunahing pangangailangan ng bata bukod sa mga magulang, pati ang kanilang kakayahang pinansyal.
Kabilang din sa mga alituntunin ang pagtukoy sa mga taong maaaring tumanggap ng sustento para sa bata, lalo na kung higit sa isa ang may karapatang tumanggap nito.
Itatakda rin ang halaga ng oras na inilalaan sa pag-aalaga at paggabay sa bata upang matiyak na nabibigyan ng pantay na konsiderasyon ang pinansyal na obligasyon at aktuwal na pangangalaga. RNT/MDS