MANILA, Philippines – Iginiit ng Department of Foreign Affairs (DFA) na walang pananagutan ang Pilipinas sa banggaan noong Agosto 11 sa pagitan ng barko ng People’s Liberation Army Navy (PLAN) at China Coast Guard (CCG) malapit sa Bajo de Masinloc sa West Philippine Sea.
“The PHL bears no responsibility for the collision between the PLAN vessel and the CCG vessel in Bajo de Masinloc. It was an unfortunate outcome, but not one caused by our actions,” ani Foreign Affairs Secretary Theresa Lazaro sa isang pahayag.
Nangyari ang insidente habang hinahabol ng dalawang barkong Tsino ang BRP Suluan ng Philippine Coast Guard, na nasira ang flagpole matapos mabangga.
Nasa lugar ang PCG at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources para maghatid ng ayuda sa mga mangingisda sa ilalim ng programang Kadiwa.
Sa kabila ng panggigipit, nag-alok ng tulong ang PCG sa CCG para sa posibleng nasugatang tripulante.
Muling iginiit ng Pilipinas ang hiling na bayaran ng China ang pinsala mula sa insidente noong Hunyo 17, 2024, at ibalik ang mga nakumpiskang armas, kagamitan, at personal na gamit ng mga tauhan. RNT