MANILA, Philippines – Iminungkahi ng Commission on Elections (Comelec) ang ‘overhaul’ sa 40 taon nang Omnibus Election Code.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, wala pang pagbabago ang 1985 Omnibus Election Code.
Ani Garcia, mahirap magpatupad ng batas ngayong moderno na at marami nang pagbabago pero lumang batas pa rin ang ipinatutupad.
Noong 2023, tinapos ng Comelec ang 964 pahinang proposed amendments sa OEC o Batas Pambansa Bldg. 881.
Kabilang sa mga pagbabagong iminungkahi ng Comelec ay ang pagsasakriminal sa mga nuisance candidacy, paghihigpit sa pagpapalit ng kandidato sa mga kaso ng kamatayan at diskwalipikasyon, pagbabawal sa maagang pangangampanya kapag naihain na ang certificate of candidacy (COC) at pag-update ng mga limitasyon sa paggastos sa kampanya.
Iminungkahi rin nitong amyendahan ang mga patakaran sa mga party-list group, paghigpitan ang bilang ng mga pwesto na maaaring hawakan, suportahan ang mga under-represented na grupo at magpataw ng mga paghihigpit sa mga kontribusyon sa kampanya.
Sinabi rin ni Garcia na maaaring ito na ang tamang panahon na magkaroon ng tunay na batas sa pagpapatupad ng anti-political dynasty provision ng ating Saligang Batas.
Hiniling din ng Comelec na bigyan sila ng kapangyarihan na palawakin ang COC filing requirements. Jocelyn Tabangcura-Domenden