Home NATIONWIDE BOC humingi ng paumanhin kay Bela Padilla sa ‘di malinaw na singil...

BOC humingi ng paumanhin kay Bela Padilla sa ‘di malinaw na singil sa import duties

250
0

MANILA, Philippines – INIUTOS ni Bureau of Customs (BOC) Commissioner Ariel Nepomuceno ang pansamantalang pagtanggal ng Online Duty and Tax Calculator mula sa BOC website upang bigyang-daan ang mga pagpapabuti ng nasabing sistema at gawing mas malinaw, mas maaasahan, at mas tumutugon sa mga pangangailangan ng publiko.

Ayon kay Nepomuceno, ang nasabing online calculator ay nagbibigay ng mga pagtatantya, hindi pa nito ipinapakita ang lahat ng mga legal na singil na iniaatas ng batas, na maaaring magdulot ng kalituhan kung ihahambing sa panghuling pagtatasa.

“May mga kulang na items na dapat idagdag pala…’Yung calculator hindi consistent. Pinapa take-down na natin ngayon,” ani Nepomuceno.

“May ibang items na hindi kasama sa calculator. Magagalit naman talaga kahit hindi si Ms. Bela. Magdududa talaga. Mali naman ‘yung computation kaya pagdududahan. ‘Yung calculator may kulang,” dagdag pa ni BOC Chief.

Nauna rito, humingi ng paumanhin ang BOC noong Lunes sa aktres na si Bela Padilla matapos magreklamo ang huli na sinisingil ng mabigat na import duties para sa shipment na nagkakahalaga ng P11,000.

Sinabi ni Commissioner Nepomuceno na nakausap niya si Padilla sa pamamagitan ng manager nito para humingi ng tawad at ipaliwanag ang nangyari sa kanyang import duties.

Batay sa reklamo ni Padilla na idinaan niya sa kanyang social media post, sinabi ni Padilla na sinisingil siya ng P4,600 na buwis para sa isang shipment na nagkakahalaga ng P11,000 kahit na sinabi ng sariling online calculator ng BOC na dapat lamang siyang singilin ng P1,650.

Gayunpaman, sinabi ni Nepomuceno na ang sariling online calculator ng BOC ay hindi perpekto, na nagdudulot ng kalituhan at pagdududa. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here