TOPS OFFICERS - Nanumpa sa tungkulin sa harap ni PSC Chairman Patrick “Pato” Gregorio (gitna) ang mga bagong halal na opisyal ng Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) na sina Bulgar sports editor Nympha Miano-Ang (President), Remate at Remate Online Sports Editor Rico Navarro (Vice President) at iba pang opisyal na sina Danny Simon ng Gilas News, Ethel Genuino ng Saksi, Edwin Rollon ng Manila Standard/Sportstek.ph (Secretary), Jeff Venancio ng Police Files, at Rey Nillama ng Hanep.
MANILA, Philippines – Desidido si Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Patrick “Pato” Gregorio na patatagin ang kanyang legacy sa Philippine sports sa pamamagitan ng pag-institutionalize ng National Training Centers sa mga rehiyon para palakasin ang grassroots program ng bansa.
Binigyang-diin ni Gregorio na hindi makakagawa ang Pilipinas ng matibay na pundasyon sa sports kung mananatiling nakakulong sa Metro Manila ang pag-unlad ng atleta.
“Bakit kayo nasa Rizal Memorial at sa Philsports lang ang training? Dapat nasa regional na kayo,” ani Gregorio kaugnay sa advice ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kanilang kamakailang meeting sa Malacañang.
“Ito ang gusto ni Pangulong Marcos—na i-fast-track natin ang pagtatatag ng National Training Centers sa mga rehiyon. Marami nang mga pasilidad na mayroon na at kailangan na lang paunlarin. Para sa mga lugar na walang tamang lugar, natukoy na natin ang mga lokal na talento at gagawa tayo ng mga hub ng pagsasanay sa paligid nila,” dagdag niya.
Sinabi ng PSC chief, na may malawak na karanasan sa basketball, boxing, at rowing, na nagsimula na siya ng mga talakayan sa iba’t ibang National Sports Associations (NSAs) upang matiyak na ang mga training center ay idinisenyo batay sa mga konsepto ng NSA at talent identification.
“Let’s fast-track the creation of regional training centers. I’ve asked local officials to adopt specific sports, because if not, we won’t move forward. We cannot build training centers and just fill them with every sport—it will drain resources. Adopt the sports, and we won’t go wrong,” giit ni Gregorio.