MANILA, Philippines – Humingi ng paumanhin si Indonesian President Prabowo Subianto sa Singapore at Malaysia dahil sa makapal na usok mula sa malawakang forest fires sa Indonesia na nakaapekto sa mga karatig-bansa.
Sa 49th ASEAN Summit sa Maynila noong Linggo, Nobyembre 15, sinabi ni Prabowo na patuloy ang mahigpit na aksyon ng kanyang pamahalaan laban sa mga kumpanyang iniuugnay sa mga sunog.
Batay sa opisyal na pahayag ng Indonesian Presidential Secretariat, binawi na ng pamahalaan ang 17 corporate concessions, habang 104 kumpanya ang iniimbestigahan ng pulisya.
Kabilang dito ang 11 kumpanyang nahaharap na sa mga kaso, habang 23 iba pa ang nakatakdang kasuhan, ayon kay Prabowo.
Sinabi rin ng pangulo na umabot na sa halos apat na buwan ang malawakang sunog sa kanilang bansa, na nagdulot ng transboundary haze o usok na tumatawid sa mga hangganan ng mga bansa.
Nasa 71,000 tauhan ang ipinakalat ng Indonesia para apulahin ang mga sunog. Gayunman, 16 firefighter ang nasawi, ilang iba pa ang nasugatan, at dalawang helicopter ang nawala sa mga operasyon.
Inihahanda na rin ng Indonesia ang pagtatatag ng bagong ahensya upang palakasin ang pag-iwas sa forest fires sa halip na umasa lamang sa mga operasyong pamatay-sunog.
Samantala, sinabi ni Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro na hinikayat ng mga lider ng ASEAN ang mga kasaping bansa na bigyang-prayoridad ang ratipikasyon ng kasunduan kaugnay ng ASEAN Coordinating Centre for Transboundary Haze Pollution Control.
Nauna nang iniulat ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na posibleng nakaabot sa ilang bahagi ng Pilipinas ang usok mula sa forest fires sa Indonesia.
Patuloy na isinusulong ang pagtutulungan ng mga bansa sa rehiyon upang matugunan ang polusyong dulot ng mga sunog na tumatawid sa kanilang mga hangganan. RNT