MANILA, Philippines – Nagpaalala ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga employers ngayon pagdiriwang ng Ninoy Aquino Day na ideneklara special non-working day.
Ayon sa DOLE, sakop ng “no work, no pay” rule ang mga hindi papasok sa naturang araw, maliban na lamang kung may umiiral na company policy, practice, o collective bargaining agreement na nagbibigay ng bayad sa special day.
Para naman sa mga magtatrabaho, makatatanggap sila ng karagdagang 30% ng kanilang basic wage para sa unang walong oras ng trabaho. Kung papasok naman ang araw na ito bilang rest day ng empleyado, tataas sa 50% ang dagdag bayad sa kanilang sahod.
May dagdag na 30% ng hourly rate ang bayad sa empleyado kapag lumagpas sa walong oras ang trabaho.
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring tumawag sa DOLE Hotline 1349 o bumisita sa kanilang website at social media pages. Jocelyn Tabangcura-Domenden