Home LIFESTYLE HEALTH Programa laban sa Hepa B, Hepa C, pinaigting sa Kyusi

Programa laban sa Hepa B, Hepa C, pinaigting sa Kyusi

333
0

QUEZON CITY, Philippines – Inilunsad ng Quezon City government nitong Miyerkules ang mas pinaigting na kampanya laban sa Hepatitis B at C sa pamamagitan ng “Model of Care” program na inuuna ang maagang pagsusuri at napapanahong paggamot para sa mga residente nito.

Ang programa ay inilunsad sa pinagsamang pagsisikap ng pamahalaang lungsod, sa pamamagitan ng Health Department (QCHD); ng University of the Philippines; at ng Strengthening the Integrated Treatment and Care for Hepatitis or StITCH initiative.

Ang inisyatiba ay naaayon sa layunin ng lungsod na bawasan ang mga sakit sa atay, na maiiwasan sa maagang pagsusuri at paggamot.

Sa kanyang Facebook post, binigyang-diin ni QC Mayor Joy Belmonte ang kahalagahan ng pag-alam sa kalagayan ng kalusugan ng isang tao patungo sa paggamot sa sakit at pag-iwas sa mga seryosong komplikasyon tulad ng cirrhosis at liver cancer.

“Sa tulong nito mas mailalapit natin sa mga komunidad ang serbisyong pangkalusugan — mula testing/screening, diagnosis, at treatment ng hepatitis,” ani Belmonte.

Sinabi niya na ang programa ay nag-aalok ng mga libreng serbisyong nakabatay sa komunidad, kabilang ang pagsusuri sa Hepatitis, pagpapayo, at paggamot.

Ang World Health Organization, sa 2024 Global Hepatitis Report, ay nagsabi na ang Hepatitis ay ang pangalawang pinakanakamamatay na nakakahawang sakit sa buong mundo, na nagbibigay-diin sa pagtaas ng bilang ng mga namamatay na sanhi ng sakit.

Sa Pilipinas, tinatantya ng Department of Health (DOH) na isa sa 10 matatanda ay maaaring magkaroon ng talamak na impeksyon ng Hepatitis B.

Nalaman ng 2024 Global Hepatitis Report na humigit-kumulang 2 porsiyento, o 6.1 milyon, ng pandaigdigang kaso ng Hepatitis B at C ay mga Pilipino, na binibigyang-diin ang kagyat na pangangailangan para sa maagang pagtuklas at paggamot sa bansa.

Sinabi ng DOH na ang Hepatitis ay maaaring mauwi sa kanser sa atay kung pababayaan.

Sinabi ni Belmonte na patuloy na palalawakin ng lungsod ang mga awareness drive nito, mga kampanya sa pagbabakuna, at mga serbisyo sa paggamot habang mariing kinukundena ang stigma laban sa mga taong sumasailalim sa pagsusuri o na-diagnose na may sakit. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here