MANILA, Philippines – Mahigit sa 2,000 mga reklamo ang naisumbong sa pamamagitan ng “Sumbong sa Pangulo”, isang linggo lamang matapos na ilunsad ito.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na inilunsad ang website upang hikayatin ang publiko na direktang mag-report sa pinaghihinalaang iregularidad sa flood control projects sa buong bansa.
“Nearly 2,000 complaints have been submitted since the Sumbong sa Pangulo website went live last week,” ayon kay Castro.
“The President is pushing for charges to be filed against anyone proven guilty and involved in this conspiracy,” aniya pa rin.
Ang “Sumbong sa Pangulohttp://sumbongsapangulo.ph/” website ay inilunsad noong Agosto 11, pinapayagan ang mga mamamayan na i-tsek ang mga flood control projects sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Maaaring tingnan ng mga ito ang lokasyon, kontratista, halaga at completion date ng mga proyekto.
Sa kabilang dako, ang pagsirit ng reklamo ang nag-udyok kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para lansagin ang “ghost projects” at mga kontratista at mga opisyal na nasa likod nito.
Samantala, inatasan ni Pangulong Marcos ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na ipalabas ang listahan ng flood control projects para mapigilan ang iregularidad at inatasan na kaagad na i-blasklist ang mga tiwaling kontratista.
Nagbabala rin ang Pangulo sa mga sangkot, partikular na sa mga opisyal ng gobyerno na haharap sila sa masusing imbestigasyon at posibleng legal action. /Kris Jose