MANILA, Philippines – Natagpuan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang labi ng 25-anyos na crew member ng isang ferry na iniulat na nahulog sa Port of Calapan Ferry Berth sa Oriental Mindoro.
Sa abiso ng PCG, ang biktima na residente mula Buluangan, Valderrama, Antique ay huling nakita ala-1 ng umaga noong Huwebes habang nagvi-video call sa ferry berth.
Kinabukasan dakong alas-8:40 ng umaga, napansin ng isang tripulante ang isang anino sa ilalim ng sasakyang pandagat na kung saan ay nakumpirma na ito nga ang biktima.
Natanggap ng Coast Guard Sub-Station Calapan ang ulat pasado alas-9 ng umaga at agad nagkasa ng search and retrieval operation kasama ang Special Operations Group kung saan natagpuan ng PCG diver ang labi ng biktima. Jocelyn Tabangcura-Domenden