Home METRO Barangay sa Malolos, sinang-ayunan si Lacson sa ‘ghost’ na flood control projects

Barangay sa Malolos, sinang-ayunan si Lacson sa ‘ghost’ na flood control projects

305
0

BULACAN, Philippines – Sinabi ni Senador Panfilo Lacson na natuklasan nila ang isang “ghost” na proyektong proteksyon sa tabing-ilog sa Bgy. Calero na nagkakahalaga ng mahigit P77 milyon.

Sinabi ni Lacson na batay sa website ng Sumbong ng Pangulo, ang “ghost” flood control project ay natapos na noong Oktubre 2024.

Sinang-ayunan ni Bgy. Calero chairman Ruben Paraiso si Lacson na halos wala na ang proyekto.

Ayon kay Paraiso, nagsimula ang konstruksyon ng ilang bahagi ng nasabing proyekto noong 2024 at iba pang bahagi nito ngayong taon.

“Bakit naging completed eh ang nakikita ko lang na nayayari… kakapiraso pa. Nayari po yun 2024 pa, ngayong 2025 wala pa kaming nakikita na nayayari kundi 175 meter…. Hindi pa po tapos, ongoing pa po ang construction,” ani Paraiso.

“Hindi po namin natanong dun sa mga subcontractor kung kailan matatapos yan. Wala naman silang ikinakabit na kahit na anong mapagbabatayan namin kung kailan matatapos yung project na yan,” dagdag niya.

Sinabi ni Paraiso na hindi niya alam ang aktwal na presyo ng kontrata ng nasabing river protection project.

“Yun po ang hindi namin alam na ganon po ang presyo ng mga itinatayo ritong ano ng gobyerno,” ani pa niya.

Naniniwala siyang kung tuluyang matatapos ang proyekto, malulutas nito ang patuloy na problema ng baha sa kanilang barangay, na pinalala ng high tide.

“Malaki po ang maitutulong niyan sa amin—yung masasakop ng flood control na yan, dahil sinasabi po ng gobyerno na mapipigil ang pagbaha kagaya nga po noong nakaraan naming hightide at tsaka itong bagyo at habagat eh talaga pong lahat ng pilapit dito sa amin eh lubog pati yung flooring ng bahay eh lubog,” aniya.

“Ngayon, kung iyon po ay lahat ng mayayari at magkaka-dugtong-dugtong eh maaari pong hindi na papasukin ng tubig—magkakaroon po ng improvement,” dagdag pa niya.

Bukod sa “ghost” riverbank protection project na binanggit ni Lacson, isang pumping station sa Bgy. Calero ang under construction din.

Batay sa mga poster sa lugar, nagkakahalaga ng mahigit P92 milyon ang proyekto.

“Ang nakita lang namin ay yun lang pumping station na itinatayo malapit sa eskwelahan na P92.5 million. Hindi rin po namin alam kung kailan matatapos,” ani Paraiso.

Binigyang-diin ni Paraiso na walang pormal na komunikasyon na nauukol sa proyekto.

“Wala pa kaming pinipirmahan diyan—basta lahat ng inano diyan, wala kaming natanggap na pinirmahan. Basta sinabi lang nila, dumating dito…kap, magtatayo kami sa lugar na ito—100 meters ganon lang po, wala na,” ayon kay Paraiso.

Ang Bulacan ay kabilang sa mga lalawigan na may pinakamaraming bilang ng mga proyekto sa flood control. Gayunpaman, kabilang pa rin ito sa pinakamaraming binaha.

Ayon sa website ng Sumbong ng Pangulo, mayroong 3 proyekto sa Bgy. Calero, ito ay isang reinforced concrete flood control structure (P72 milyon), isang riverbank protection structure (P77 milyon) at isang revetment project (P72 milyon) sa ilalim ng 3 magkakaibang kontratista.

Dalawa pang proyekto sa proteksyon ng ilog sa tabi ng Calero River ang nakalista din sa website, na iginawad sa ibang kontratista. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here