Home NATIONWIDE DepEd humingi ng aksyon sa DPWH sa mga pangangailangang imprastraktura sa pampublikong...

DepEd humingi ng aksyon sa DPWH sa mga pangangailangang imprastraktura sa pampublikong paaralan sa bansa

312
0

MANILA, Philippines – Humingi ang Department of Education (DepEd) ng tulong sa Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pagtugon sa mga pangangailangang pang imprastraktura ng mga apektadong pampublikong paaralan sa buong bansa.

Sa isang liham na may petsang Agosto 17, hiniling ni Education Secretary Sonny Angara na tugunan ni DPWH Secretary Manuel Bonoan ang mga pangangailangan sa imprastraktura ng mga pampublikong paaralan—lalo na ang isang liblib na paaralan sa Kayapa, Nueva Vizcaya, kung saan ang mga estudyante ay napipilitang kumapit sa mga bakal na kable at tumawid sa isang ilog upang marating ang kanilang mga silid-aralan.

Sinabi ni Angara na ang mga mag-aaral ng Pinayag National High School sa Sitio Macdu, Barangay Pinayag, ay inilalagay sa panganib ang kanilang buhay araw-araw para lang makapasok sa paaralan.

Ang tulay na dating nag-uugnay sa Barangay Latbang sa Barangay Pinayag ay winasak ng Super Typhoon Pepito noong Nobyembre 2024.

Makalipas ang halos isang taon, ang natitirang isang pares ng mga bakal na kable na nakaunat sa kabila ng ilog ang tanging nagiging kapitan ng mga estudyante.

Ang kalagayan ng mga estudyante, ani Angara, ay dapat magsilbing wake-up call na humihingi ng agarang aksyon.

“Their story is a reflection of the broader infrastructure challenges that persist across our public school system,” ani Angara. “Sustainable and long-term solutions are urgently needed to make school access safe and reliable,” dagdag niya.

Sinabi ng DepEd na nauna nang nagpadala ng liham si Angara na may petsang Hulyo 17, kung saan hiniling niya ang agarang pagkukumpuni ng nasirang tulay sa pagitan ng Latbang at Pinayag Village sa Kayapa, Nueva Vizcaya, kasunod ng viral video na nagpapakitang ang mga estudyante ay nagbuwis ng kanilang buhay upang makatawid dito para lamang makapasok sa paaralan.

“Kapag walang ligtas na alternatibong ruta, umaasa sila sa mga putol na lubid at kable, lalo na mapanganib sa panahon ng malakas na pag-ulan,” sabi ni Angara. “Hindi lamang ito naglalagay ng panganib sa buhay ngunit nakakagambala rin sa kanilang pag-aaral,” dagdag niya.

Ipinunto ng DepEd na may mga katulad na kaso sa ibang bahagi ng bansa.

Sa Camarines Sur, halimbawa, ang mga guro mula sa Barangay Tinalmud sa Pasacao ay tumatawid sa hanggang tuhod na putik, mga daanan ng baha, at maging ang maalon na dagat sa panahon ng “habagat” para lamang marating ang kanilang mga silid-aralan.

Umani ng paghanga ang kanilang determinasyon, ngunit inamin ni Angara na hindi ito sustainable.

Hiniling ni Angara sa DPWH na unahin ang pag-aayos ng mga nasirang tulay at paggawa ng mga resilient access na ruta sa mga lugar na madaling sakuna at geographically isolated. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here