MANILA, Philippines – Naniniwala si Mamamayang Liberal (ML) Party-list Rep. Leila de Lima na ang extradition kay Pastor Apollo Quiboloy ay maaari pa ring isagawa ng mga awtoridad sa Pilipinas kahit na hindi pa nareresolba ang kanyang mga kaso dito.
Sa gitna ng patuloy na pananaw na hindi maaaring pagbigyan ng gobyerno ang kahilingan ng United States (US) para sa extradition habang hinihintay ang pagresolba sa mga kaso ng founder ng simbahan ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC).
“Pwede pa rin i-extradite. Ang general rule is extradition if it falls under the extraditable offenses. At dito naman malinaw, walang issue doon. Nasa option yan ng Pilipinas, being the requested state, to temporary surrender o i-postpone na yung proceedings,” ani De Lima.
Ngunit inamin ng dating senador at kalihim ng Department of Justice (DOJ) na ang senaryo na ito ay “subject of course to certain conditions to be determined by agreement”.
“Sa atin, the executive through the [DOJ], of course that should be with clearance from the Chief Executive as a matter of principle or as a matter of practice. And the US din, yung State Department. Sila ang mga mag-a-agree, and depende rin yan sa conditions. Maa-assess yan ng DOJ.”
“So yung DFA (Department of Foreign Affairs), kapag natanggap na, first, i-dedetermine niya kung part ito ng extradition treaty, and then ipapasa sa DOJ for further study, for further evaluation, and then kung magdecide [to extradite], ire-request yung court,” patuloy pa niya.
Si Quiboloy, ang nagpakilalang “Appointed Son of God”, ay pinaghahanap sa US sa mga kaso ng sex trafficking, bulk cash smuggling, at pandaraya sa imigrasyon. Inaakusahan ng mga awtoridad ng US si Quiboloy at ang kanyang mga kasamahan ng pagsasamantala sa mga miyembro ng simbahan, kabilang ang mga menor de edad, sa isang taon na pamamaraan.
Sa Pilipinas, si Quiboloy, isang spiritual adviser at matalik na kaibigan ni dating pangulong Rodrigo Duterte, ay nahaharap din sa mga kaso ng human trafficking at child abuse na isinampa ng mga dating miyembro ng simbahan na umano’y sexual exploitation at coercion. RNT/MND