MANILA, Philippines – Nanawagan ang Philippine Business for Education (PBEd) sa mga mambabatas na mas paglaanan ng pondo ang edukasyon, kasabay ng paghimok na gawing bukas sa publiko ang deliberasyon ng pambansang badyet para sa 2026.
Ayon kay PBEd Executive Director Bal Camua, nananatiling mababa ang pondo ng edukasyon sa bansa kumpara sa global standard na 4 hanggang 6 porsyento ng gross domestic product (GDP) na itinakda ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (Unesco).
Sa 2026 national budget, P1.178 trilyon lang ang inilaan para sa edukasyon o katumbas ng 3.8 porsyento ng GDP.
“We must allocate our resources where it matters most, because every peso wasted denies our people access to vital programs–such as education, nutrition, and healthcare–that they rightfully deserve,” pahayag ni Camua.
Batay sa ulat ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), nasa 3.2 porsyento lamang ng GDP ang naging average na paggasta sa edukasyon sa nakaraang dekada.
Bagaman itinatadhana ng 1987 Constitution na dapat bigyan ng “highest priority” ang edukasyon, tila patuloy itong naiiwan sa mga nakaraang appropriations laws, ani Camua.
“Philippines continues to fall short of global standards, with chronic underinvestment remaining a persistent challenge. We cannot afford to let insertions and inefficiencies eat into the education budget,” dagdag niya.
Noong nakaraang taon, ipinagmalaki ng Marcos administration na tumaas ang budget para sa edukasyon, kabilang ang pondo para sa mga paaralan ng pulis at militar na isang hakbang na kinuwestiyon ng ilang education groups.
“Every year, we delay meeting the standard, we risk losing a generation,” babala ni Camua. RNT/JGC