NAG-SPRAY ng mosquito repellant ang isang lalaking ito sa bawat sulok ng kanyang tahanan matapos na opisyal na ideklara ng Quezon City Government ang dengue outbreak, habang ang kaso ay patuloy na tumataas. DANNY QUERUBIN
MANILA, Philippines – Umabot sa 15,161 kaso ng dengue ang naitala sa bansa mula Hulyo 20 hanggang Agosto 2, 2025, ayon sa Department of Health (DOH) nitong Sabado, Agosto 23.
Sa datos ng DOH, bahagyang mas mataas ng 2 porsyento ang bilang kumpara sa 14,909 na kaso na naitala mula Hulyo 6 hanggang Hulyo 19, isang linggo bago tumama ang mga bagyong Crising, Dante at Emong.
Nananatiling nakaalerto ang ahensya sa posibilidad ng pagdami ng kaso lalo na’t apektado pa rin ng habagat at isang low-pressure area sa silangan ng Southern Mindanao ang bansa.
Hinimok din ng DOH ang publiko na panatilihing malinis ang paligid upang maiwasan ang pamumugar ng lamok.
“Keep your environment clean and continue doing the ‘Taob, Taktak, Tuyo, at Takip’ on water-holding containers that can harbor Aedes aegypti mosquitoes every day,” saad ng DOH.
Pinayuhan din ang publiko na agad magpakonsulta kapag nakaranas ng sintomas gaya ng dalawang araw na lagnat, rashes, pananakit ng katawan, mata at kalamnan, pagkahilo, at pagsusuka.
Nananatiling bukas ang Dengue Fast Lanes sa mga ospital ng DOH para sa agarang tugon sa mga pasyente. RNT/JGC