MANILA, Philippines – Patay ang isang militia member ng pamahalaan matapos pasabugan ng granada ang isang military patrol base sa Barangay Nalapaan ng Malidegao, sa Special Geographic Area (SGA) ng Bangsmoro region umaga ng Sabado, Agosto 23.
Ayon kay Lt. Col. Jopy Ventura, spokesperson para sa Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region (PROBAR), ang biktima ay kinilalang si Bimbo Malingko Lumambas, 25, ng Barangay Kalakacan, Pikit, Cotabato.
Ani Ventura, si Lumambas ay nasa harap ng kanilang patrol base nang dumating ang suspek na nakasuot ng itim na hoodie at cap sakay ng itim na Bajaj motorcycle at hagisan ito ng granada.
Tinamaan ng shrapnel ang biktima partikular sa tiyan nito, na agad namang dinala sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.
Tumakas ang suspek patungo sa Barangay Bualan sa Tugunan.
Agad na ikinasa ang hot pursuit operation na inilunsad ng Pikit municipal police station, Regional Mobile Force Battalion (RMFB) 12, Malidegao local police, at 40th Infantry Battalion para sa ikaaaresto ng suspek.
Naka-heightened alert ang lahat ng military patrol base sa ilalim ng 6th Infantry Division ng Philippine Army kasunod ng pag-atake.
Iniimbestigahan pa ng pulisya ang motibo sa likod ng grenade attack. RNT/JGC