MANILA, Philippines – Iniulat ng Bureau of Immigration (BI) nitong Sabado, Agosto 23 ang pagkakaaresto sa isang lalaking pasahero na nagtangkang umalis ng bansa gamit ang pekeng overseas employment certificate (OEC) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sa Pasay City.
Ayon sa report mula sa Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES) ng BI, ang pasahero na edad 30, ay pasakay na sana ng flight ng Cebu Pacific patungong Hong Kong noong Agosto 15 nang pigilan ng mga awtoridad dahil sa mga dokumento para sa beripikasyon.
“He presented an OEC showing employment as an administrative officer in Hong Kong,” saad sa pahayag ni BI Commissioner Joel Anthony Viado.
“Upon checking, it was immediately found to be fake and originally issued to another individual,” dagdag pa niya.
Nadiskubre ng ahensya ang tangkang ito sa pamamagitan ng joint system kasama ang Department of Migrant Workers.
Pinaniniwalaang ang pekeng dokumento ay nakuha mula sa mga illegal online seller na tumatarget sa mga nagnanais na magtrabaho abroad.
Samantala, nagbabala si Viado sa paggamit ng mga pekeng dokumento na hindi lamang labag sa immigration at labor laws kundi nagbibigay din ng banta sa mga biyahero na mabiktima ng human trafficking. RNT/JGC