MANILA, Philippines – Idineklara ng Malacañang ang special non-working holidays sa Minalin, Pampanga at Tupi, South Cotabato para sa pagdiriwang ng kanilang founding anniversaries.
Batay sa Proclamation Nos. 999 at 1000 na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin sa ngalan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong Agosto 14 at 18, ginawang special non-working day ang Agosto 27 sa Minalin para sa ika-411 founding anniversary nito.
Kilalang “Egg Basket of Central Luzon” ang bayan dahil sa malakas na industriya ng poultry at itlog, bukod pa sa mga produktong agrikultural at tradisyong kultural.
Samantala, Setyembre 11 naman ay idineklara ring special non-working day sa Tupi para sa ika-72 founding anniversary nito, kasabay ng ika-16 Agten Tufi Festival.
Matatagpuan sa paanan ng Mt. Matutum, kilala ang Tupi bilang “Fruit, Vegetable and Flower Basket of South Cotabato” dahil sa malamig na klima at matabang lupa na angkop sa agrikultura.
Pangunahing produkto rito ang pinya at passion fruit, habang tampok sa Agten Tufi Festival ang kultura, yaman ng agrikultura, at makukulay na pagtatanghal.
Nakasaad sa mga proklamasyon na nararapat lamang bigyan ng pagkakataon ang mga residente ng Minalin at Tupi na makibahagi at makapagsaya sa selebrasyon. RNT/JGC