MANILA, Philippines – ARESTADO ang dalawang Chinese national na nagsabwatan para palabasing na-carnap ang sasakyan ng isa upang makakolekta ng salapi sa insurance company sa Valenzuela City.
Kinilala ni Valenzuela police chief P/Col. Joseph Talento ang mga dinakip na negosyanteng Chinese na sina alyas “Wang”, 43 ng Brgy. Santol. Balagtas, Bulacan at alyas “Yang”, 52, ng Numancia St. Binondo, Manila.
Sa imbestigasyong pinangunahan ni P/Maj. Jose Hizon, Chief of Police for Operation, natanggap nila ang ulat ng umano’y naganap na insidente ng pagtangay sa isang Toyota Fortuner na pag-aari ni alyas Wang noong Linggo, Agosto 17, sa harap ng Jade Garden Subdivision sa Brgy. Marulas.
Lumabas sa imbestigasyon na ang iniulat na na-carnap na sasakyan ni Wang ay natuklasang nawasak sa isang aksidente sa trapiko at nasa isang auto repair shop sa 2nd Avenue, Caloocan City.
Nitong Huwebes ng gabi, nadakip ng pulisya si alyas Yang, habang nagmamaneho ng isang Toyota Fortuner na napag-alaman inilipat muna rito pansamantala ang plaka ng nawasak na sasakyan bago iniulat na na-carnap.
Natuklasan din na pag-aari rin ni Wang ang naturang SUV at nais lamang kumolekta sa insurance kaya’t dito muna inilagay ang plaka ng nawasak niyang sasakyan na kunwari’y na-carnap, kasabwat ang kababayang si Yang.
Ang dalawa ay sasampahan ng mga kasong perjury, illegal transfer of license plates, at insurance fraud ng pulisya sa Valenzuela City Prosecutor’s Office. Merly Duero