Home NATIONWIDE Manikurista tiklo sa P17M shabu sa Cebu

Manikurista tiklo sa P17M shabu sa Cebu

263
0

MANILA, Philippines – Arestado ang isang babaeng manikurista matapos makuhanan ng halos P17 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa pinagsanib na operasyon sa Barangay Subangdaku, Mandaue City.

Ang suspek ay kinilalang si alyas “Jane,” 37-anyos at residente ng Barangay Sawang Calero, Cebu City.

Sa report ng Mandaue City Police Office (MCPO), si Jane na nagtatrabaho bilang manikurista ay sangkot na sa pagtutulak ng illegal na droga mula pa noong 2024.

Itinuturing siyang high-value individual sa illegal drug trade.

Lumitaw sa imbestigasyon na kaya niyang makapagbenta ng nasa walong kilo ng illegal na droga buwan-buwan, at kumikita ng P10,000 kada kilo bilang komisyon at ikinakalat sa iba’t ibang bayan sa Cebu.

Ang pangunahin aniyang koneksyon ng suspek sa suplay ng illegal na droga ay ang kanyang kapatid na si alyas “Makang” na isang person deprived of liberty (PDL) at nakakulong sa Cebu City Jail.

Ito umano ang nagsisilbing middleman at nag-uutos sa kanya sa drop-off locations at delivery schedules.

Isinasagawa naman ang bayaran gamit ang mobile phone at mobile wallets.

Kasalukuyang naka-detain ang suspek sa custodial facility ng Police Station 2, Mandaue City Police Office at nahaharap sa reklamong paglabag sa Republic Act 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here